Dear Nanay at Tatay,
Maaari nga pong nababaliw na 'ko dahil sinusulatan ko kayo. Siguro kung nabubuhay pa kayo, hindi ako malungkot ngayon. Kumusta na kayo? Miss na miss ko na kayong talaga. Habang isinusulat ko 'to ay sumasabay ang luha ko sa pagpatak mula sa'king mga mata. Parang ilog, malayang nakakaagos sapagkat mag-isa ako sa bahay na nilipatan namin ngayon. Tahimik ang kapaligiran. Walang ingay na maririnig.
Mula nang mawala kayo sa'kin, naging kakaiba na ang buhay ko.. Para akong kawawa. Lagi akong naiinggit sa aking mga kaibigan dahil hanggang sa mga sandaling 'to, kasama pa rin nila ang kanilang mga magulang. Minsan, naiisip ko, ang daya daya nyo! Iniwanan nyo kami agad agad. Ni hindi ko man lang naenjoy na makasama kayo. Ni hindi nyo man lang ako nakitang nagdalaga. Ni hindi nyo man lang nakilala ang mga naging nobyo ko.
Marahil, nagtataka kayo sa sinabi ko. Opo, mula nung wala na kayo, nagkaroon na 'ko ng mga syota. Sa murang edad 'kong 'to, sasabihin nyo sigurong wala pa akong alam sa pag-ibig na 'yan. Lagi nga po akong tinitukso ng aking mga kapatid sa kalandian ko. Totoo po. malandi na ako. Hindi ko na alam ang aking mga pinaggagagawa. Pero sana maunawaan nyo na kaya ko lang naman po yun nagagawa kasi naghahanap lang naman po ako ng taong magmamahal sa akin habang wala kayo. Pero gaya rin ninyo, iniiwan din nila ako.
Nay, Tay, ang hirap po ng walang magulang. Ni wala na po akong nasusumbungan ng mga problema ko. Minsan, wala akong kapera-pera, wala akong mahihingian. Minsan, nagkakasagutan kami ng aking mga kapatid, wala akong kakampi. Iniiiyak ko na lang lahat. Kung bakit ba kasi hinayaan ko kayong mawala na lang ng basta-basta. Nasa huli nga po talaga ang pagsisisi.
Hindi ko po alam kung anong buhay ang meron na ako sa ngayon. Hindi ko po alam kung may patutunguhan din ba ako. Kasi nawawalan na ng gana ang aking mga kapatid na papag-aralin ako dahil nga po sa ugali ko. Naging bastos na ako. Ang aking bibig na laging kinagagalitan ni tatay, hanggang ngayon, dala ko pa rin. Naging palamura na rin po ako. Naimpluwensyahan na ako ng aking mga kaibigan.
Twing papasok ako ng skwela, may lungkot sa aking puso. Iniisip ko kasi, bakit pa 'ko nag-aaral kung mamamatay din naman ako. Tampulan nga ako ng tukso minsan kasi pag nagtatanong ang aking mga instructor tungkol sa aking buhay, hindi ko mapigilang umiyak na lang at humagulhol na parang batang inagawan ng kanyang kendi. Saka ako tatawa nalang din. Napagkakamalan tuloy nila akong baliw.
Syanga pala, kumukuha ako ng BEE ngayon. Hindi ko alam kung sinong nagtulak sa 'kin para kunin ang kursong yan lalo pa't SPED ang major ko. Wala naman talaga ako gustong kurso. Ni hindi ko nga po alam kung anong pangarap nyo sa akin. Sabagay, pano ko nga ba malalaman eh hindi ko nga naman po kayo nakasama sa aking pagtanda.
Nay, Tay, kailan ba kayo babalik? Kailan ko ulit kayo makakasama? Nangungulila na po talaga ako. Sa twing nanghihina ako, gusto ko lang naman ng yakap ng isang ina. Sa twing may umaaway sa akin gusto ko lang naman na maipagtanggol ako ng isang ama.
Andami ko pong pangarap para sa inyo. Pero sa ngayon, paano ako magkakalakas ng loob tuparin nag mga pangarap na iyon kung wala naman kayo? Ni hindi ko man lang nga kayo nakitang pumuti ang buhok. Ang daya nyo!! Ang daya daya nyo!
Wala na akong pangarap sa buhay ko sa totoo lang. Kasi para sa akin, kahit makapagtapos pa ako, hindi nyo rin naman malalaman. Kahit pa maging sikat ako, wala na ring kwenta, dahil wala na kayo.
Sa totoo lang ako ang pinakakawawa sa aming magkakapatid. Alam nyo kung bakit? Namatay ka nanay na hindi mo man lang nalaman na nireregla na ako. Ni hindi mo man lang ako napayuhan tungkol sa pagnonobyo. Ni hindi mo man lang ako nakitang grumadweyt ng high school. At kailanman hindi ko naranasan na sabitan ako ng medalya ng aking magulang kahit isa sa inyo pag-akyat ko sa entablado para kunin ang aking award. Samantalang ang aking mga kapatid, naranasan nila.
Kung alam nyo lang kung anong nararamdaman ko sa mga oras na 'to.
Nay, Tay, kung pwede lang sanang ulitin ang pagkakataon. Gagawin ko ang lahat para hindi na kayo magkasakit at mawala sa amin. Kung pwede lang sana, magiging mabuti na akong anak sa inyo. Hindi na ako magiging tamad at bastos. Hindi ko na kayo papagurin. Kung pwede lang sana.. Kaso, malabo.
Kailangan ko na lang sigurong tanggapin ang katotohan na, hindi na kayo babalik sa mundong 'to. At siguro, kung nabubuhay kayo, magiging masaya pa rin kayo para sa akin, dahil naniniwala po ako na hindi naman ako ganito kung meron kayo sa tabi ko. Pasenya na po kayo kung hindi ako naging mabuting anak sa inyo. Pasensya na hindi ko manlang kayo naasikaso.
Pasenya na Nay kung wala akong naitulong sa sakit mong kanser non. Pasensya ka na kung dadalawang beses lang kita sinabihan ng mahal kita. Pasenya na kung saka lang kita hinalikan nung malapit nang mapatid ang hininga mo. Pasenya ka na Mang kung wala ako nung mga panahong nagpapaalam ka na. Kasi nagbantay ako ng bahay kasama ng aking mga pamangkin. Pasensya ka na sa lahat.
Tay, patawarin mo sana ako dahil ikaw ung napagbuntungan ko lahat ng hinanakit ko. Kung naging bastos ako sa mga pagsagot sayo. Ayoko lang naman kasi na magkaroon ka ng ibang asawa. Patawarin mo ko tay kung hindi ako payag sa pakikipagrelasyon mo sa iba. Patawad tay kung naging salbahe ako sayo. Pasensya na kasi mas pinili ko pang lumayo kaysa makasama ka. Kung alam ko lang na ganun ka mamamatay, hindi na sana ako lumayo sa iyo. Hindi sana ang sarili ko ang inisip ko ng mga panahong yun. Patawad tay. Ni hindi ko man lang kayo nasabihan na mahal na mahal ko kayo.
Kung pwede nga lang sana talagang maibalik ang kahapon, gagawin ko lahat para makasama kayong muli. Sa ngayon, maghihintay na lang ako sa tamang panahon.. Dahil naniniwala ako na muli ko kayong makakasama. At sa panahong yun, wala na akong dapat pang ikatakot o ippangamba man. Dahil hindi na kayong muling magkakasakit at mamamatay. Hindi nyo na mararanasan maghirap at lumuha. Liligaya na tayong lahat. Sa Bayang Banal, muli tayong magkikita.
Nagmamahal,
Shai